KATAHIMIKAN
Katahimikan, ang natitira kong kaibigan.
Siya na alam ang suliranin kong pasan.
Nakikinig sa bawat sinasambit na salita,
kasabay ng patuloy na pagpatak ng mga luha.
Siya na laging nandiyan para dumamay.
Kaya pagsapit ng gabi ay laging hinihintay.
Katahimikan, sa bawat salita na binigkas,
tunay na pakikinig ang sa akin ipinamalas.
At sa bawat luha ng alaalang nakalipas,
ikinubli ng dilim ang nawawalang lakas.
Kasabay ng paglubog ng dakilang araw
ang pagbalot ng dilim sa sanlibutan,
at hudyat ng hinihintay na katahimikan.
Siya na saksi sa pilit tinatagong kahinaan,
ng isang bata na bilanggo ng nakaraan.
Patuloy na nakikinig at nagmamasid
kumakalinga na parang tunay na kapatid.
Katahimikan, ang natatangi kong kaibigan.
Ang kaibigan na kahit kalian ‘di ako iniwan.